House Bill No. 5266, na kilala rin bilang SOGIESC Equality Act, ipinasa ng ilang mambabatas
- Published on November 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
IPINASA ng ilang mambabatas ang House Bill No. 5266, na kilala rin bilang SOGIESC Equality Act, isang panukalang batas na naglalayong magtakda ng mga batas at parusa laban sa diskriminasyon dahil sa Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, o Sex Characteristics.
Nilinaw ni Batangas Rep. Ryan Recto, isa sa may akda ng HB 5266, na hindi binibigyan ng espesyal na trato ang anumang sektor kundi pagbibigay pugay at pagkilala sa karanasan at katangian ng LGBTQIA+ community.
“The goal is not to create a special class or a special provision, but simply to elevate them to the status of everyone else,” ani Recto.
Bukod kay Recto, kabilang sa mga umakda ng HB 5266 ay sina Reps. Brian Poe (FPJ Panday Bayanihan Party-list) at Javier Miguel “Javi” L. Benitez (3rd District, Negros Occidental).
Ayon kay Recto, ang pagbibigay ng legal na proteksyon laban sa diskriminasyon ay naaayon sa equal protection clause ng 1987 Konstitusyon at sa obligasyon ng Estado na itaguyod ang mga karapatan at dignidad ng bawat Pilipino.
Binigyang-diin ni Poe na ang diskriminasyon ay hindi lamang limitado sa pisikal na karahasan, kundi maaari ring makita sa pagkakait ng mga oportunidad, mahahalagang serbisyo, at pantay na pagtrato sa pang-araw-araw na buhay.”
“Discrimination does not always take the form of physical violence. It can mean being denied employment, refused admission to an educational institution, turned away from public services, or subjected to harassment simply because of who a person is,” ani Poe.
Ayon kay Poe, layunin ng panukalang batas na magtatag ng malinaw na legal na proteksyon laban sa mga gawaing may diskriminasyon sa mga institusyon at pampublikong lugar.
Samantala, sinabi ni Benitez na bagama’t may mga lokal na pamahalaan na nagpatupad ng sarili nilang mga ordinansa laban sa diskriminasyon, nananatiling walang pambansang batas para protektahan ang karamihan sa mga miyembro ng LGBTQIA+ sa Pilipinas
“Protection from discrimination should not depend on a person’s address. Walang Pilipinong dapat mawalan ng trabaho, ng pag-aaral, o ng dignidad dahil lang sa kung sino siya. Twenty-six years is long enough. Let the Twentieth Congress be the one that finishes this,” ani Benitez.
(VINA de GUZMAN)