• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hirit na fare hike ng mga jeepney operators at jeepney driver: Hindi napapanahon, premature- Malakanyang

HINDI pa napapanahon ang hirit ng mga jeepney operators at jeepney drivers na fare hike o taas pasahe simula sa susunod na linggo.
Ito ay sa gitna ng magkakasunod na linggong pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ‘premature’ ang hirit na fare hike dahil mayroon aniyang provisional fare increase sa halagang P1.00 at ayon aniya sa computation ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional grant na ito na fare hike na P1.00 ay nako-cover pa ang fuel cost para sa jeepney.
Ang sinabi pa rin aniya ni LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza III, ang hiling ng mga jeepney operators at jeepney drivers ay hindi partikular sa fare hike kundi labanan ang colorum.
Ang prayoridad aniya ngayon ng LTFRB kung magkakaroon ng fare hike ay ang mga buses.
“Dahil wala po silang temporary fare hike. So, iyon po ang priority nila ang pag-uusap tungkol sa pag-increase ng pamasahe sa bus.
Sa kabilang dako, kahit aniya sabihin na premature ang hirit na fare hike, sinabi aniya ni chairman Mendoza na pinag-aaralan pa rin aniya ang maaaring maibigay na tulong sa mga jeepney operators at jeepney drivers.
Nauna rito, sinabi ni Castro na pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya laban sa mga hindi lisensyado o colorum na mga sasakyan, kasabay ng pagpapalakas ng pagpapatupad ng batas-trapiko, inspeksyon sa mga terminal, at operasyon sa mga checkpoint.
Ayon kay Castro, patuloy na tinutugunan ng LTO ang operasyon ng mga hindi lisensyadong sasakyan bilang bahagi ng kampanya kontra colorum, na nagresulta sa daan-daang nahuli at na-impound sa loob lamang ng tatlong araw.
“Simula noong Pebrero 9 hanggang 11 ngayong taon, umabot sa 353 na colorum na sasakyan ang nahuli ng LTO. Sa nasabing bilang, 107 dito ay na-impound habang 246 ay isinailalim sa ‘technical impoundment’ kung saan ang mga plaka lamang ng sasakyan ang kinukumpiska ng LTO,” ani Castro.
Bukod sa kampanya kontra colorum, sinabi rin ni Castro na nag-deploy na ang LTO ng K-9 units upang mapahusay ang inspeksyon sa mga terminal ng transportasyon at sa mga checkpoint.
Inilunsad din ang Mobile Command Center (MCC) upang matiyak ang tuloy-tuloy na monitoring ng trapiko at mapalakas ang pagpapatupad ng road safety. Ang MCC ay may kakayahang mag-monitor ng trapiko sa real-time, pagkilala ng plaka ng sasakyan, at beripikasyon kung rehistrado, nakaw, o ilegal na nabago ang mga sasakyan.
“Ang mga programang ito ay ilan lamang sa mga hakbang ng pamahalaan, sa ilalim ng liderato ni Pangulong Marcos Jr., na naglalayong unahin ang seguridad ng mga motorista sa bansa,” ani Castro.
“Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na ang kaligtasan sa mga lansangan ay bahagi ng pag-unlad ng bayan—na patuloy na isinusulong sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.