Hindi pagsali sa diesel at gasolina sa panukalang ikalawang yugto ng excise tax suspension, tinuligsa ng mambabatas
- Published on September 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINULIGSA ni ACT Teachers Party-List Representative at House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang Department of Finance (DOF) sa muling hindi pagsali sa diesel at gasolina sa panukalang ikalawang yugto ng excise tax suspension, na sinabi ng DOF na nakatakdang aprubahan ng pangulo sa susunod na linggo.
Nanawagan si Tinio kay Finance Secretary Frederick Go na bigyang paliwanag na “will not be progressive” ang tax relief sa diesel at gasolina dahil ang makikibanag umano dito ay mayayaman lamang.
“Palagi na lang ganito ang excuse ng DOF at economic managers ng administrasyon—na mayayaman ang mas gumagamit daw ng diesel at gas—kahit napakalayo nito sa katotohanan,” ani Tinio. “Walang makukuhang kaluwagan mula sa panibagong excise suspension ang jeepney driver na kumokonsumo ng 30 litro ng diesel kada araw. Ganun din ang magsasakang gumagamit ng hand tractor, mangingisdang may pumpboat, o mga nagbibiyahe ng mga produkto sa palengke.”
Nagbabala ang mambabatas na ang pagpapatuloy sa pagpapatupad ng excise taxes sa diesel at gasolina ay magbibigay ng mas mabigat na inflation sa mga susunod na linggo.
“Kapag pumalo na ang diesel sa ₱18.31 per liter sa mga susunod na linggo, bawat piso ng excise tax—isama na natin ang VAT na ayaw ring tanggalin ng administrasyong Marcos—ay ipapasa sa commuters at consumers. Kahit di nagmamay-ari ng sasakyan ang mahihirap, binabalikat nila ang impact ng inflation sa bawat bagay at serbisyong binibili nila,” anang mambabatas.
Ibinasura ni Tinio ang pananaw ng DOF na magreresulta ang diesel at gas tax suspensions sa tinatayang P12 billion na lost revenues kada buwan.
“Apparently, the DOF’s primary concern is protecting its revenue collection while the people’s already meager incomes are being devoured by inflation,” giit ni Tinio. “Government is again holding hostage direly needed economic relief for the people, with new and heavier tax burdens as ransom.”
Kinondena pa nito ang pananatili ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa petroleum products at hindi pagpapatupad ng price freeze sa LPG at kerosene.
“Hanggang ngayon, walang suporta ang administrasyon sa panawagang tanggalin na ang VAT sa petroleum products. Wala pa ring price freeze man lang sa LPG at kerosene samantalang automatic dapat iyon kapag state of emergency, ayon sa batas. Mukhang hanggang dito na lang talaga ang administrasyon—calculated minimalism sa pagbibigay ng kaluwagan sa mamamayan sa panahon ng krisis,” ani Tino.
(VINA de GUZMAN)