• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit 600 toneladang basura nakolekta ng MMDA

UMABOT sa mahigit 600 tonelada ng basura ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kung saan mahigit 500 tonelada ang nagmula sa Tripa de Gallina na pinakamalaking pumping station sa National Capital Region (NCR).

Sa inspeksiyon ni MMDA Chairman Romando Artes kahapon sa Tripa De Gallina, nasa 526.8 tonelada simula Hulyo 18 hanggang Hulyo 22 ang nakuha habang sa iba pang lugar na nagsagawa rin ng declogging ay umabot sa 76.92 tonelada sa loob lamang ng dalawang araw o Hulyo 21-22.

Kabilang sa mga nakolektang basura sa pumping station ng Tripa De Gallina nitong Hulyo 22 ang sirang refrigerator, sofa, mga gulong, kahoy ng mga natumbang puno, plastic at iba pang malalaking basura.

Ani Artes, ang plastic na nahihigop at pumulupot sa makina ay nagdudulot ng sobrang init na magreresulta sa husay ng pumping station at tulu­yang ‘di gumana o masira.

Idinagdag pa ni Artes na luma o mahigit 50 taon na ang serbisyo ng ­drainage system kaya planong i-upgrade ito.

“Our drainage system is antiquated, with more than 50 years of service. To address these issues, we need a ­drainage master plan for Metro Manila that involves ­upgrading and expanding the exis­ting drainage network, constructing new ­pumping stations, among others,” ani Artes.

Pinuntahan din ni ­Artes ang MRT Batasan Station sa Commonwealth Avenue sa ­Quezon City at ­nakipag-ugnayan sa mga kinatawan ng local government at San Miguel Corporation MRT-7, na nagsagawa ng solusyon hinggil sa pagbaha na naidudulot ng konstruksyon.

Nangako ang SMC na kanilang aalisin ang lahat ng mga posibleng dahilan ng pagbabara ng drainage, kahit ito ay nagmula pa sa unang kontraktor, na kanilang dinatnan ng sila na ang humawak sa proyekto.