Halos 5K Batang Kankaloo, nakinabang sa libreng health services sa Caloocan
- Published on March 3, 2025
- by Peoples Balita
HALOS 5,000 residente ang nakinabang mula sa mga libreng serbisyong pangkalusugan na inihandog ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan bilang bahagi ng mga aktibidad ng pagdiriwang ng ika-63 Cityhood Anniversary..
Sinimulan ng administrasyon ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang buwan sa pamamagitan ng libreng Medical & One-Stop Shop Community-Based Health Services, na nagsilbi sa halos 1,200 indibidwal.
Samantala, ang Caloocan City Medical Center (CCMC) at ang Caloocan City-North Medical Center (CCNMC) ay nagsagawa ng isang linggong libreng serbisyong medikal, kung saan ang pinagsamang bilang ng halos 3,500 indibidwal ay nag-avail ng mga serbisyong medikal, tulad ng pagpaplano ng pamilya, ob-gyne, at sexually-transmitted disease (STD) screening, dental services, ultrasound and mammogram services, electrocardiogram (ECG), at complete blood count (CBC).
Nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Mayor Along sa mga doktor, nars, at health workers, gayundin sa buong komunidad ng CCMC at CCNMC sa pagsunod sa mga direktiba ng kanyang administrasyon sa paggawa ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
“Nagpapasalamat tayo nang lubos sa CCMC, CCNMC, at sa lahat ng mga health worker sa ating lungsod na naging malaking dahilan kung bakit matagumpay ang inisyatibang ito at sa pagtulong sa atin na patuloy na ipakitang deserve ng mga Batang Kankaloo ang libre at de-kalidad na serbisyo medikal,” pahayag ng alkade.
Pinaalalahanan din niya ang lahat na ang tunay na diwa ng Cityhood Anniversary ay tunay na serbisyo publiko, na ipinamalas ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kapakanan ng mga nasasakupan nito.
“Ang pagdiriwang po natin ngayong buwan ay hindi lamang upang gunitain ang Caloocan Day, kundi ipakita na ang buo ang pagsisikap ng pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng mga kailangan ng mga mamamayan,” ani Mayor Along.
Maliban dito, regular ding nagsasagawa ang lungsod ng libreng chest X-ray services para sa Tuberculosis (TB) Caravan, pagbabakuna laban sa mga nakakahawang sakit, at maging sa Sagip Mata operations. (Richard Mesa)