Habagat, El Niño sabay na papasok, paghandaan – Pagasa
- Published on May 28, 2026
- by Randle Cruz

HINIMOK ng Pagasa ang mamamayan na paghandaan ang inaasahang sabay na pagpasok sa bansa ng El Niño Phenomenon at Habagat.
Ito ayon kay Ana Solis, head ng Climate Monitoring and Prediction Section ng Pagasa, ay upang agarang makagawa ng paraan ang publiko sa inaasahang epekto ng El Niño at habagat na may kaakibat na malalakas na pag-ulan at pagbaha.
“Noong 2009 may El Niño at Habagat, maraming bagyo at Super Typhoon, sa panahong ito ay naganap ang bagyong Ondoy na nagdulot ng malaking pinsala sa bansa kaya dapat tayong maghanda.. ‘wag sana pero posible ito mangyari kaya dapat lahat tayo ay handa sa mga panahong ito,” ayon kay Solis.
Papasok ang El Niño at Habagat sa pagitan ng Hunyo, Hulyo at Agosto ngayong taon. Inaasahan rito ang mga pag-ulan sa bahagi ng Luzon at Metro Manila.
Sa ngayon ay humihina na ang panahon ng tag-init kayat unti-unti nang matatapos ang warm at dry season sa katapusan ng Mayo o unang linggo ng Hunyo.
Aabot naman aniya sa 10-15 bagyo ang maaaring tumama sa bansa mula Hunyo hanggang Nobyembre.