Goitia: Pagtulak ni Pangulong Marcos sa matapang na reporma at panibagong pamumuno sa gobyerno
- Published on December 10, 2025
- by @peoplesbalita
SA panahong muling sinusubok ang tiwala ng publiko sa pamahalaan, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na unahin ang mga repormang matagal nang ipinaglalaban ng taumbayan kabilang ang anti dynasty bill, pagreporma sa party list system, paglikha ng Independent People’s Commission, at mas malinaw na akses ng publiko sa paggastos ng gobyerno.
Layon nitong ituwid ang mga kahinaang paulit-ulit na nakikita sa pamahalaan at maglatag ng panibagong gobyerno na mas bukas, mas tapat, at mas nakatuon sa mamamayan.
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ipinapakita ng mga hakbang na ito ang uri ng lideratong inuuna ang bayan bago ang pulitika.
“Ang pagpaprayoridad sa mga repormang ito ay paanyaya sa publiko na maniwala muli. Ipinapakita nitong handa ang Pangulo na ayusin ang matagal nang dapat ayusin,” aniya.
Matagal nang isyu ang political dynasty sa Pilipinas. Madalas itong pinag-uusapan ngunit bihira itong umusad. Sa paglalagay nito sa pangunahing agenda, malinaw ang pahayag ng Pangulo: panahon nang tugunan ang mismong ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa politika.
“Hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan—at ito ang ginawa ng Pangulo.” ani Goitia.
Kasama rin sa direktiba ang pagreporma sa party list system. Sa paglipas ng panahon, lumayo ang sistema sa intensyon nitong tulungan ang mga nasa laylayan.
Kaya’t mariing binigyang diin ni Goitia ang dapat na layunin nito: “Ang party list ay para sa mga sektor na tunay na nangangailangan, hindi para sa sinumang nakalusot lang sa sistema.”
Ayon kay Goitia, ang pagkukumpuni sa sistemang ito ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas patas na pulitika.
Binibigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency, lalo na sa paggastos ng gobyerno. Hakbang ito tungo sa pamamahala na hindi lamang nakikita kundi nauunawaan ng publiko.
“Lumalaki ang tiwala kapag nakikita ng tao ang galaw ng pamahalaan. Hindi dapat misteryo ang serbisyong bayan.” diin ni Goitia.
Sa kabila ng ingay at intriga, nanatiling nakatuon ang Pangulo sa matatag na pagpapatupad ng reporma. Hindi siya nagpasilaw sa politika. Tinulak niya ang pagbabagong pangmatagalan.
“Hindi salita ang reporma. Ito ay direksyon at tapang. At iyon ang ipinakita ng Pangulo,” ani Goitia.
“Ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa kung gaano kadali ang sitwasyon. Nakikita ito sa tapang na harapin at ayusin ang mga problemang matagal nang pinabayaan. Sa pagtulak ng Pangulo sa mga repormang ito, malinaw ang kanyang malasakit sa bansa”, pagtatapos niya. (Richard Mesa)