• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Goitia: hindi kayang burahin ng mga kuwento ng Tsina ang karapatan ng Pilipinas

ANG pagtatangkang ipinta ng Tsina ang kontrol nito sa Scarborough Shoal bilang usapin ng “pangangalaga sa kalikasan” ay hindi nagbabago ng katotohanan. Kahit balutin sa magagandang salita, hindi nito napapalitan ang batas, at lalong hindi nito nabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ng kasaysayan at ng pandaigdigang batas.

Sa mga nagdaang araw, sunod-sunod na ulat mula sa mga media na malapit sa estado ng Tsina ang naglalarawan sa Beijing bilang tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang ginagawang problema. Maayos at tila siyentipiko ang tono, ngunit malinaw ang pakay: gawing normal ang kontrol ng Tsina at isantabi ang lehitimong karapatan ng Pilipinas.

“Hindi na ito bago,” sabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Matagal nang ginagamit ang magagandang salita para pagtakpan ang okupasyon. Nagbago lang ang bihis. Ngayon, conservation na ang tawag.”

Diretso na tayo. Ang Scarborough Shoal ay malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Hindi ito opinyon o palagay. Pinagtibay ito ng arbitral ruling noong 2016.

“Hindi nababago ng magagandang salita ang legal na katotohanan. Hindi mo puwedeng tawaging pangangalaga ang isang bagay na wala kang karapatan.” ani Goitia.

Sabi niya, Ang pagturing sa Pilipinas na parang dayuhan sa sarili nitong dagat ay malinaw na pagbaluktot ng batas. Kahit anong bihis ang ibigay, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi kailanman kapalit ng soberanya.

Ang mga mangingisda ay hindi aniya dayo. Bago pa ang mga patrol at ulat, naroon na ang mga mangingisdang Pilipino sa mga katubigang ito. Dito sila nabuhay at dito nila itinaguyod ang kanilang pamilya.

“Hindi pumasok ang ating mga mangingisda bilang mga lumalabag. Ito ang dagat na kinalakihan nila at dito sila naghanapbuhay.” sabi ni Goitia.

Ang pagtawag aniya sa kanila bilang ilegal ay mali. Binubura nito ang kanilang kasaysayan at minamaliit ang kanilang hanapbuhay.

“Kung maayos ang bahura, walang batayan ang paratang. Kung may problema man, kailangang patas ang pagsusuri at isama ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko, mga blockade, at mga paghihigpit.” dagdag ni Goitia.

Aniya, ang mga pahayag na inaangkin ng Tsina ang Palawan ay walang batayan. Hindi ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan. Ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas, kinikilala ng pandaigdigang komunidad at pinamamahalaan ng bansa sa mahabang panahon. Walang seryosong historyador, legal na iskolar, o internasyonal na institusyon ang kumikilala sa ganitong kathang-isip.

“Kapag mas pinalalaki ang kasinungalingan, mas lantad itong nagiging mali. Ang Palawan ay hindi pinagtatalunan at hindi maaaring baluktutin ang kasaysayan nito.” giit ni Goitia.

Hindi sigawan o pananakot ang tugon ng Pilipinas. Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malinaw ang direksyon: batas ang sandigan at institusyon ang lakas.

Nangunguna ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa ating karagatan at pagprotekta sa mga mangingisda, habang malinaw ang tindig ng Department of National Defense sa pamumuno ni Secretary Gilberto Teodoro na ang soberanya at karapatan ng Pilipinas ay hindi tinatakot at hindi tinatawaran.
“Hindi ito palabas, ito ay seryosong pamamahala.” sabi ni Goitia.

“Hindi nadedesisyunan ang soberanya sa ingay o dami ng ulat. Ito ay pinagtitibay ng batas, ng kasaysayan, at ng dangal ng bayang tumatangging mabura sa sariling karagatan.” pagtatapos niya.
(Richard Mesa)