Gobyerno, ikinasa ang ‘one month amortization moratorium’ para sa pabahay, calamity loan para sa typhoon victims
- Published on July 26, 2025
- by people's balita
IPINATUPAD na ng gobyerno ang one-month moratorium sa amortization payments ng housing units sa mga weather disturbance-affected areas upang mapagaan ang pasanin ng mga biktima.
Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na pinagana ng Pag-IBIG Fund ang calamity loan program nito sa lahat ng sangay sa buong bansa upang mapagsilbihan ang mga typhoon victims, kabilang na ang insurance claims para sa kasalukuyang Pag-IBIG housing loan borrowers kung saan nasira o nawasak ang mga ari-arian.
Sa ilalim ng kasunduan, ang kuwalipikadong miyembro sa mga apektadong lugar ay maaaring humiram ng hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Fund savings, kung saan kabilang ang kanilang monthly savings, employer counterpart contributions, at kinitang dibidendo.
Ang moratorium sa monthly amortization ay ipinatupad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Housing Authority (NHA) at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC).
“The moratorium will ease the burden of the victims while the calamity loan will provide relief to our kababayan who were affected by the weather disturbances,” said Aliling.
“This is part of our effort to ensure that affected families receive urgent support to help them recover,” dagdag na wika nito.
Tinuran pa ni Aliling na ang Pag-IBIG, SHFC, NHA at NHMFC ay nagsasagawa na ngayon ng lahat ng hakbang para ipabatid sa mga apektadong borrowers ang bagay na ito at bilisan ang application procedures para sa tuloy-tuloy na rollout ng moratorium at loan program.
Binigyang diin pa rin ni Aliling na ang DHSUD ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa LGUs para sa probisyon ng tulong sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP).
Aniya pa, ang LGUs ay instrumental sa pagtukoy sa mga apektadong lugar at in-endorsong qualified beneficiaries.“DHSUD and our key shelter agencies are closely working with LGUs to guarantee proper coordination and fast implementation on the ground. This is a united effort to provide relief and help families get back on their feet,” ayon kay Aliling. (Daris Jose)
