• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gobyerno, handang pigilan ang destab plot laban kay PBBM- Malakanyang

NAKAHANDA ang gobyerno ng Pilipinas na kontrahin ang anumang pagtatangka na i-destabilize ang administrasyong Marcos.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang gobyerno ay ganap na handa para sa anumang aksyon na maaaring may plano laban sa administrasyon.

“Handa naman po ang gobyerno sa anumang maaaring balakin nila,” sabi ni Castro nang hingan ng komento ukol sa lumabas na balita na maaaring makaranas ang Pilipinas ng political unrest kahalintulad sa situwasyon sa Myanmar.

Kaya ang payo ni Castro sa publiko ay manatiling bigilante at dedmahin ang impormasyon mula sa “obstructionists” at “fake news peddlers” na ang pangunahing layunin ay alisin sa puwesto si Pangulong Marcos.

“Tingnan ninyo muna kung saan nanggagaling ang mga issues na ito. Ito po ba ay galing sa mga obstructionists, fake news peddlers, walang mga awtoridad para magsalita,” ang tinuran ni Castro.

“Kung ito po ay kumakalat at nakita ninyo kung saan galing at maituturo ninyo na malamang na ito ay mula sa mga nagnanais na paalisin ang Pangulo sa puwesto, huwag po nating paniwalaan,” aniya pa rin. (Daris Jose)