• September 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ginang na tulak, huli sa drug bust sa Valenzuela, P510K shabu nasamsam

UMABOT sa mahigit P.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang tulak na ginang na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Eyang”, 43, ng Brgy., Malinta.

Ayon kay Col. Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni ‘Eyang’ sa lungsod.

Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga tauhan ni Lt. Dascil sa loob mismo ng kanyang bahay sa Sitio Dulong Tangke dakong alas-7:00 ng gabi makaraang bintahan umano ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha sa kanya ang humigi’t kumulang 75 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P510,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bi at pitong P1,000 boodle money, P250 cash, ID at coin purse.

‎Ayon kay SDEU investigator P/MSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2902 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchalian ang Valenzuela City Police sa kanilang matagumpay na operation kontra illegal na droga. “Walang pamilyang dapat masira dahil sa droga. Tuloy ang laban natin kontra ilegal na droga. Sama-sama nating pangalagaan ang ating mga anak, pamilya, at komunidad para sa isang mas ligtas at panatag na Valenzuela,” giit niya. 

(Richard Mesa)