• May 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gawing pinakamakabuluhan ang suporta ng gobyerno 

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga benepisaryo ng Presidential Scholars program ng gobyerno na gawing pinakamabuluhan ang suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtatapos ng kanilang pag-aaral at ihanda ang sarili na maglingkod sa bansa.

Sa pagsasalita sa harap ng mga iskolar sa Makati City, sinabi ng Pangulo na ang edukasyon ay nananatiling isa sa pinakamahalagang investments na maibibigay ng gobyerno sa mga kabataan.

“A good education is a gift that cannot be taken away from you. ‘Yan ang aking laging sinasabi,” ayon sa Pangulo.

Sa ilalim ng “Bawat Barangay Makikinabang” ng inisyatiba ng administrasyon, ang bawat barangay ay makatatanggap ng P200,000 na tulong na may P100,000 inilaan para sa scholarships.

Ang bawat barangay ay namili ng limang Presidential Scholars na makatatanggap ng P20,000 na educational assistance.

Sa Makati City, may 115 presidential scholars ang makatatanggap ng tulong pinansiyal.

“Dapat hanapin nila ‘yung mga malapit nang magtapos pero baka hindi magtapos dahil kulang sa pambayad,” ang sinabi ng Pangulo.

Layon din ng programa ayon sa Pangulo na tulungan ang mas higit pa sa 200,000 scholars sa buong bansa, sabay sabing ang bansa ay mayroong mahigit sa 42,000 barangay.

“Kayo na ang magpapatakbo ng lahat — ng mga negosyo, ng gobyerno,” ang tinuran pa ng Pangulo sa mga estudyante, binigyang diin ang kahalagahan na ihanda nang susunod na henerasyon ng mga lider at manggagawa.

Hinikayat naman ng Pangulo ang mga iskolar na mag-aral mabuti at samantalahin ang oportunidad na ibinibigay sa kanila.

“Make the most of it. Study hard, work hard, and this will be something that will help you for the rest of your life,” ang winika ng Pangulo.

Umaasa naman ang Pangulo na sa kalaunan, ang mga iskolar ay makatutulong na mapahusay ang kanilang komunidad at makapag-aambag sa nation-building.

“Ready na ready na maglingkod, ready na ready na gumawa ng lahat ng kailangan na gawin para pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino,” aniya pa rin. (Daris Jose)