• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Erice, de Lima naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa unprogrammed funds sa 2026 budget

NAGHAIN sina Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Edgar R. Erice, at ML Rep. Leila M. de Lima, ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng Unprogrammed Appropriations sa 2026 General Appropriations Act, Huwebes ng umaga.
Layon ng petisyon na ito na ipawalang-bisa ang Section XLIII ng 2026 GAA at humihiling ng agarang temporary restraining order at iba pang injunctive reliefs upang pigilan ang pagpapatupad ng mga probisyong ito habang dinidinig ang kaso.
Ayon sa mga petitioner, ang unprogrammed appropriations ay nagpapahintulot ng paggastos ng pondo ng bayan nang walang malinaw at umiiral na pinagkukunan ng pondo, na labag sa Saligang Batas at lumilikha ng isang “budget sa loob ng budget.”
Anila, nagdudulot ito ng seryosong banta sa transparency, pananagutan, at sa balanseng hatian ng kapangyarihan sa pamahalaan.
Tinukoy sa petisyon ang paglabag sa ilang probisyon ng 1987 Constitution, kabilang ang mga patakaran sa budget ceiling, contingent appropriations, at wastong paglalaan at paggastos ng pondo ng publiko.
Para sa 2026, mula sa halos ₱249.9 bilyong iminungkahing unprogrammed funds, ₱243.4 bilyon ang inaprubahan ng Kongreso. Matapos ang ₱92.5 bilyong veto ng Pangulo, humigit-kumulang ₱150.9 bilyon ang nanatili, na ayon sa mga petitioner ay patuloy na may panganib na mailabas at magastos nang labag sa Konstitusyon.
Binigyang-diin ng mga petitioner na kapag nailabas na ang pondo ng bayan, hindi na ito maaaring bawiin, kaya’t mahalaga ang agarang interbensiyon ng Korte Suprema gamit ang pinalawak nitong kapangyarihan ng judicial review.
Samantala, iginiit ni Rep. Erice na ang paghahain ng petisyong ito ay isang hakbang upang ipagtanggol ang integridad ng pambansang badyet at matiyak na ang pondo ng bayan ay ginagastos alinsunod sa Konstitusyon at sa tuntunin ng batas. (Richard Mesa)