EO para sa flood works probe commission, nakahanda na para tintahan ng Pangulo- ES Bersamin
- Published on September 9, 2025
- by @peoplesbalita
NAKAHANDA na ang executive order (EO) na lilikha ng isang independent commission na magi-imbestiga sa di umano’y flood control projects.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang panukalang komisyon ay sumailalim sa “seryosong pag-aaral” at nakikita na makapagbibigay sa publiko ng kapani-paniwalang mekanismo para suriing mabuti ang mga iregularidad.
“We expect that in its final form, the executive order will be welcomed by the people because that is what we are doing, everything for the people,” ang sinabi ni Bersamin sa isang panayam sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Bersamin ukol sa independent commission.
Tumanggi naman si Bersamin na kumpirmahin kung pumayag si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magsilbi sa komisyon, sinabi na ang pagiging kasapi ng komisyon ay ‘prerogative’ ng Pangulo.
Samantala, paunang tututukan ng independent body ng mga kuwestiyonableng flood control projects, subalit nauna nang sinabi ng mga opisyal na palalawigin ang saklaw kabilang na ang infrastructure projects na pinuna ng publiko. (Daris Jose)