Driver, tinodas ng 3 kapitbahay sa Valenzuela
- Published on December 29, 2025
- by @peoplesbalita
DEDBOL ang 34-anyos na driver habang sugatan ang naman nakababata niyang kapatid nang pagtulungan ng tatlong kapitbahay kabilang ang mag-ama sa Valenzuela City.
Dead-on-arrival sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktimang si alyas “Florencio”, ng Pinagbayanan St. Brgy. Lingunan sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan at palo ng martilyo sa ulo habang sugatan ang 33-anyos niyang kapatid na si “Jose” na hinataw ng bote ng alak sa ulo.
Naaresto naman sa follow-up operation nina P/MSg Ronaldo Domadigo, P/SSg. Raynald Zaldivar at P/SSg Rommel De Robles ng Valenzuela Police Sub-Station-6 ang mag-amang sina alyas “Jonard”, 46, at “John Mark”, 18, at barkadang si alyas “Roland”, 48, pawang residente rin ng Pinagbayanan St.
Sa ulat ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) kay Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, nagtungo ang mga biktima sa bahay ng kanilang kapatid na babae sa naturan ding lugar upang doon ipagdiwang ang Pasko dakong alas-11:15 ng gabi nang tawagin si ‘Florencio’ ng mga suspek upang kausapin.
Paglabas ng biktima, kaagad siyang sinuntok ni ‘Jonard’ at nang umawat si ‘Jose’, siya naman ang hinataw ng bote sa ulo ng suspek kaya napilitang tumakbo ang magkapatid nang pagtulungan na sila ng tatlong suspek.
Hinabol ng mga suspek ang magkapatid at nang abutan sa tapat ng isang ihawan ay pinagsasaksak ni ‘John Mark’ ang nasawi habang pinagpapalo rin siya ng hawak na martilyo ni ‘Roland’ sa ulo bago nagsitakas ang mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon ni IDMS investigator P/MSg. Alvin Pastores na nag-ugat ang alitan ng mga ito nang minsan umanong sapakin ng biktima si ‘Jonard’. Nagpositibo rin ang tatlo sa alcohol nang isalang sa medical examination.
(Richard Mesa)