DOTr: Pilot operation ng AFCS sa modern PUVs, tatagal ng 9-12 buwan
- Published on September 8, 2022
- by @peoplesbalita
TATAGAL umano ng mula siyam hanggang 12-buwan ang pilot operation ng automated fare collection system (AFCS) sa mga modernong public utility vehicles (PUVs) na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP).
Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, sa kasalukuyan ay pili pa lamang ang mga units ng modern PUVs na kalahok sa programa, gayundin ay payment cards pa lamang ng Land Bank ang ginagamit nila.
Sakali naman aniyang maging matagumpay ang programa ay tatanggap pa sila ng mas maraming payment cards at sasakupin na rin nito ang iba pang unit at ruta ng modern PUVs.
Nabatid na nasa 150 PUVs sa bansa ang kalahok sa pilot run at tanging Land Bank prepaid at credit contactless cards pa lamang ang tinatanggap ng mga ito.
Sa sandali naman anilang makapagpalabas na ng mga kinakailangang regulasyon at polisiya, maaari ring tumanggap at magproseso ang Land Bank AFCS solution ng iba pang EMV contactless cards na iniisyu ng ibang local banks.
Una nang sinabi ni Batan na ang Automated Fare Collection System Euro-Mastercard-Visa Pilot Production Testing Project (AFCS EMV PPT) ay naglalayong isulong ang cashless payment sa mga modernong PUVs.
Sa ilalim ng programa, maaaring gamitin ng mga commuters na pambayad sa mga modern PUVs ang kanilang LBP master cards, ATM, credit o debit cards upang pambayad ng pamasahe.
Kinakailangan lamang aniya ng mga pasahero na i-tap ang mga naturang LBP cards sa kanilang pagsakay at pagbaba sa mga jeep.
Nilinaw naman ni Batan na maaari pa ring magbayad ng cash ang mga pasahero kung wala silang payment cards. (Daris Jose)