• October 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOTr, PATULOY ANG PAGKALAP NG PONDO PARA SA KARAGDAGANG TREN SA LRT-2

GUMAGAWA ang Department of Transportation (DOTr) at Light Rail Transit Authority (LRTA) ng mga hakbang upang makalikom ng pondo at makabili ng karagdagang trainsets para sa LRT-2. Pero dahil inaasahang aabutin ng tatlong taon o higit pa bago dumating ang mga bagong tren, naghahanap ang DOTR ng mga alternatibong paraan para umayos ang sitwasyon at mabawasan ang pila ng mga pasahero sa istasyon.

Ito’y alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyaking maayos, ligtas at tuloy-tuloy pa rin ang biyahe ng mga pasahero.

Sa ngayon, walong tren lamang ang naka-deploy dahil ang isang bagon ay sumasailalim sa Train Operating Control Panel upgrade habang ang isa naman ay kinukumpuni pa rin. Kasabay nito, patuloy ang pagdami ng bilang ng mga pasaherong sumasakay sa LRT-2.

Bilang agarang solusyon at habang hinihintay ang pondong magagamit sa pagbili ng mga bagong tren, ipinag-utos ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at LRTA na pag-aralan ang pag-iisyu ng special permits sa mga Public Utility Buses (PUBs) para mabigyan ng alternatibong masasakyan ang mga pasahero.

“Patuloy po ang paghahanap namin ng pondo para sa kailangang dagdag na tren para sa LRT-2. Kailangan na rin pong ma-upgrade ang iba nating tren. Pero habang ina-ayos po natin ito, naghahanap po tayo ng ibang paraan para maibsan ang pila sa mga istasyon at matulungan ang ating mga komyuter. Inatasan po natin ang LTFRB at LRTA na mag-coordinate para sa panukalang pag-i-isyu ng special permits sa mga bus nang sa gayo’y may alternatibong masakyan ang ating mga pasahero habang tinutugunan natin ang kakulangan sa bilang ng tren,” ani Sec. Lopez.

Inutusan ng Kalihim ang LTFRB at LRTA na tingnan at pag-aralan ang pag-i-isyu ng special permits sa mga bus na bibyahe sa ruta ng LRT-2 mula Antipolo Station hanggang Recto Station at pabalik, na may designated stopping points sa mga istasyon ng LRT-2. 

Pag-aaralan din sa naturang panukala na PUB service ang operational arrangements, pagsunod pa rin sa mga umiiral na franchising at regulatory requirements, at ang halaga ng pamasahe na sisingilin sa mga pasahero.

Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng alternatibong masasakyan ang mga komyuter at mabawasan ang siksikan sa mga istasyon ng LRT-2, lalo na tuwing peak hours. (PAUL JOHN REYES)