Donaire-Inoue 2 kasado na sa June
- Published on April 4, 2022
- by @peoplesbalita
KASADO na ang rematch nina reigning World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nonito Donaire Jr. at World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight king Naoya Inoue sa Hunyo 7 sa Super Arena sa Saitama, Japan.
Mismong si Inoue ang nagsiwalat ng magandang balita sa kanyang social media account kung saan masaya itong matutuloy na ang rematch nito kay Donaire tatlong taon matapos ang kanilang unang pagtatagpo.
Matatandaang unang nagharap sina Donaire at Inoue sa finals ng World Boxing Super Series (WBSS) kung saan nakuha ng Japanese ang unanimous decision win noong Nobyembre 7, 2019 sa Super Arena sa Saitama.
Parehong galing sa panalo sina Donaire at Inoue.
Unang pinataob ni Donaire si Nordine Oubaali noong Mayo 29, 2021 via fourth round knockout win para makuha ang WBC belt sa labang ginanap sa Carson, California.
Sinundan ito ni Donaire ng isa pang fourth round knockout win sa kababa-yang si Raymart Gaballo noong Disyembre 11, 2021 sa parehong venue.
Sa kabilang banda, tinalo ni Inoue si Pinoy pug Michael Dasmarinas via third round knockout win sa Las Vegas, Nevada noong Hunyo 19, 2021 kasunod ang eight-round knockout victory kay Aran Dipaen noong Disyembre 14, 2021 sa Tokyo Japan.