DOLE AT MMDA, NAGTULUNGAN PARA SA FLOOD CONTROL AT LOKAL NA TRABAHO
- Published on July 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
OPISYAL na nilagdaan ng Department of Labor and Employment o DOLE at ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang Memorandum of Agreement o MOA nitong Hulyo 1, 2026.
Layunin nito na palawakin at paigtingin ang malawakang clean-up drive at ang programang Bayanihan sa Estero sa Metro Manila sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD.
Tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa paghahanda sa tag-ulan. Pinangunahan nina DOLE Secretary Francis N. Tolentino at MMDA Chairperson Atty. Romando Aries ang pagpirma sa pinagsamang inisyatiba.
Sinusuportahan ito ng P220-milyong budget ng DOLE TUPAD para mabigyan ng emergency employment ang 10,000 na disadvantaged workers na maglilinis ng mga drainage system sa Metro Manila upang maiwasan ang pagbaha sa lungsod.
Dahil nalalapit na ang tag-ulan, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng inisyatibang ito. Aniya, mahalaga ang maagap na paghahanda para matiyak ang kaligtasan ng publiko, maiwasan ang baha, at mapigil ang pagkalat ng mga sakit na dala ng tubig. Ngayong Hulyo 1 ang unang deployment kung saan 500 kwalipikadong benepisyaryo ang ide-deploy ng DOLE para maglinis ng mga baradong drainage, maglinis ng mga daluyang tubig, at magpatupad ng waste segregation.
Tutulungan sila ng MMDA sa pamamagitan ng orientation tungkol sa maayos na waste segregation at material recovery. Kasabay nito, pinoproseso na rin ng DOLE-NCR, MMDA, at mga kaukulang lokal na pamahalaan ang profiling ng 3,600 benepisyaryo para sa susunod na deployment. Dumalo rin sa pagtitipon ang mga opisyal ng DOLE kabilang sina Undersecretary Atty. Felipe Egargo, Jr., Assistant Secretary Amuerfina Reyes, Bureau of Workers with Special Concerns Director Leilani Reynoso at *DOLE-NCR Regional Director Sarah Mirasol .
(Gene Adsuara)