DOH: ‘Wag maalarma sa ‘super flu’
- Published on January 8, 2026
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Department of Health (DOH) na walang dapat na ikaalarma ang publiko hinggil sa mga ulat ng ‘super flu’.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang flu outbreaks sa malalamig na bansa, gaya ng Estados Unidos at United Kingdom, ay dulot ng winter conditions doon.
Sa Pilipinas aniya, karaniwang nagkakaroon ng mga sakit na influenza sa panahon ng tag-ulan.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Herbosa ang mga Pinoy na bumibiyahe sa mga naturang malalamig na bansa na magsagawa ng kaukulang mga pag-iingat, kabilang na ang pagbabakuna.
“Not alarming, but there is a new variant out there,” aniya pa. “If you’re going to North America or the UK, maybe get the Northern Hemisphere vaccine.”
Kinumpirma rin naman ni Herbosa na noong nakaraang taon, ang Pilipinas ay naka-detect na rin naman ng 17 kaso ng naturang bagong flu variant, ngunit pawang nakarekober ang mga ito.