• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: GL ng mga pulitiko, hindi kailangan sa MAIFIP

NILINAW ng Department of Health (DOH) na hindi na kinakaila­ngan ng guarantee letters (GLs) mula sa mga politiko upang mai-avail ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.

Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ang desisyon kung sino ang maaa­ring tumanggap at kung magkano ang halagang dapat na ipagkaloob sa mga benepisyaryo ng programa ay nasa kamay ng mga itinalagang medical social workers.

“Hindi talaga namin kailangan yung GL. Ipinapatong lang po ’yan, ikinakabit doon sa mga papeles, pero ang pinakamahalaga talaga sa amin yung referral ng social worker,” pahayag ni Domingo, sa panayam sa radyo.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang mga pasyente na humihingi ng tulong sa ilalim ng MAIFIP na direktang makipag-ugnayan sa medical social services o social workers ng pagamutan, hinggil sa mga rekisitos ng programa at arrangements ng pagamutan sa DOH.
Inihayag pa ni ­Domingo na maraming pribadong pagamutan at halos lahat ng LGU hospital at DOH hospital ay may access sa MAIFIP.

Ang MAIFIP program ay naglalayong magkaloob ng medical assistance sa mga eligible indigent at financially incapacitated na pasyente, sa pamamagitan nang pagbalikat sa mga gastusin hindi kasama sa benefit packages ng PhilHealth, case rates, o iba pang available ­funding sources

Paglilinaw naman ng health official, ang MAIFIP ay hindi cash assistance kundi isang paraan ng pagbabayad sa serbisyo ng mga pagamutan.

Tiniyak rin niya na ang dinagdagang alokasyon ng MAIFIP ay hindi ire-release sa mga alkalde o mga governors at sa halip ay direktang idi-disburse sa mga pagamutang pinatatakbo ng DOH at mga local government units (LGUs), at maging sa mga accredited private hospitals.