Delivery rider, buking sa droga sa oplan sita sa Valenzuela
- Published on August 2, 2025
- by @peoplesbalita
BAGSAK sa kulungan ang 32-anyos na delivery rider nang mabisto ang dalang shabu makaraang pumalag at tangkain takasan ang mga pulis sa Oplan Sita sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Gerson Bisayas ang naarestong suspek na si alyas “Louie”, ng Yakal St., Brgy. Gen T De Leon.
Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Carlito Nerit Jr., habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) ng Valenzuela police sa kanto ng Lorex Avenue at Erin St., Brgy. Gen T De Leon nang parahin nila suspek dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Sa halip na sumunod, tinangka umanong tumakas ng suspek kaya hinarang siya nina PSSg Jomar Guiyab at PCpl Roldan Dula subalit, itinulak nito si PCpl Dula bago tinangkang paharurutin ang kanyang motorsiklo para tumakas.
Dahil dito, inaresto na ang suspek ni PSSg Guiyab at nang kapkapan ay nakumpiska sa kanya ni PCpl Dula ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,712 habang inimpound naman ang kanyang motorsiklo.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority and Agent of such person) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)