DBM, inaprubahan ang ₱1.684-B calamity fund na ikakarga sa DA, DSWD at PCG
- Published on November 11, 2025
- by @peoplesbalita
INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱1.684 billion para i- replenish o muling punuan ang Quick Response Funds ng Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, at Philippine Coast Guard.
Ang hakbang ay kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang ‘recovery at rehabilitasyon’ ng mga lugar na tinamaan ng kamakailan lamang na kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kabuuang halaga, ipinalabas ang ₱1 billion sa DA para palakasin at pagtibayin ang ‘recovery at rehabilitation programs’ nito sa mga rehiyon na apektado ng African Swine Fever at kamakailan lamang na tropical cyclones.
Ang pondo ay magsisilbi rin bilang stand-by resource para sa agricultural recovery efforts sa antisipasyon ng mga kalamidad at sakuna sa hinaharap, kabilang na ang potensiyal na epekto ng Super Typhoon Uwan.
“Malaki ang damage ng mga bagyo at sakuna sa ating agrikultura at ang numero uno pong biktima n’yan ‘yung ating mga magsasaka at mangingisda,” ang sinabi ni DBM Sec. Amenah Pangandaman.
“Kaya sa hiling po ng DA na i-replenish ‘yung kanilang QRF, agad na inaprubahan po natin ‘yan, in anticipation also of other weather disturbances this year, lalo na at may paparating tayong super typhoon,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng Special Provision of the FY 2025 General Appropriations Act, popondohan ng QRF ng Da ang probisyon ng mga input ng mga mga pananim, livestock, poultry, aat palaisdaan; pagkumpuni ng production at post-production facilities; at cash aid o tools para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Samantala, ang ₱631.023 million ay ipinalabas sa DSWD para i- replenish ang 2025 QRF nito.
Popondohan ng gagawing replenishment ang procurement o pagkuha ng Family Food Packs at Non-Food Items, stockpiling ng relief goods, at emergency cash na ililipat sa 58,962 pamilyang apektado ng lindol at bagyo sa ilang lalawigan.
Sakop din nito ang warehouse rentals, administrative costs, at stand-by funds para DSWD regional offices.
“This replenishment of QRF for DSWD will ensure that our affected kababayans continue to receive needed financial aid, relief goods, and livelihood to help them recover from disasters,”ang sinabi ng Kalihim.
“Ang pakiusap po natin sa DSWD, agad din po sana ‘yang makarating sa mga kababayang nasalanta para makabalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” aniya pa rin.
Bilang karagdagan sa ₱631.023 million, nauna nang ipinalabas ng DBM ang kabuuang ₱1.982 billion sa DSWD nito lamang Oktubre para sa QRF replenishment.
Nagpalabas din ang DBM ng ₱53.007 million sa Philippine Coast Guard para palakasin ang ‘relief, rehabilitation, at search and rescue operations nito sa panahon ng kalamidad.
“Alam naman natin na sa oras ng sakuna, nandiyan palagi ang ating Philippine Coast Guard—handang magligtas ng buhay ng maraming nating kababayang nasa peligro,” ang tinuran ni Pangandaman.
“During these times, mas kailangan nila ng ating tulong at suporta,” aniya pa rin.
(Daris Jose)