• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dahil sa oil spill… MAXIMA steel mills corp., ipinasara ng Valenzuela LGU

SA pamamagitan ng executive order, ipinag-utos ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang agarang pansamantalang pagpapasara sa MAXIMA Steel Mills Corp. dahil sa oil spill mula dito na nagdudulot ng dumi sa mga daluyan ng tubig at banta sa kalusugan ng publiko.

Nag-ugat ang insidente sa ulat na natanggap ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) hinggil sa mabahong amoy na nagmumula sa isang sapa na nag-uugnay sa Barangay Lingunan at Barangay Veinte Reales kaya nagpadala ng conglomerate inspection team ang CENRO, kasama ang City Sanitation Office, mga kawani mula sa barangay, at Bureau of Fire Protection (BFP) upang i-verify ang natrurang ulat.

Sa kanilang pagsusuri, natunton nila ang mabahong amoy mula sa sapa hanggang sa pagtagas ng langis na nagmula sa MAXIMA Steel Mills Corp. na nagdudulot ng panganib sa mga daluyan ng tubig at kalusugan ng publiko.

Dahil sa posibilidad ng mas matinding epekto ng oil spill sa komunidad, inirekomenda ng CENRO sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na isara ang nasabing establisyimento, kaya agad naglabas ang City Mayor ng Executive Order na nakasaad ang agarang pagsasara at mga paglabag na maaaring kaharapin ng pasilidad.

Mahaharap ang nasabing establisyimento sa mga paglabag sa PD 856 (Code of Sanitation of the Philippines), Chapter XIX, Sections 3.1.1 and 3.1.5: Creation of public nuisance through noxious odors and harmful effluent; RA 9275 (Philippine Clean Water Act of 2004), Section 27 (a), 27 (b), 27 (d): Unauthorized discharge of pollutants, release of untreated effluents, and use of concealment methods; at RA 9483 (Oil Pollution Compensation Act of 2007).

Sa pag-uusap naman ni Mayor Wes at management team ng MAXIMA Steels, napagkasunduan na pansamantalang isara ang pasilidad hanggang sa makasunod sila sa mga kinakailangan ng pamahalaang lungsod at maresolba ang epekto sa kalusugan at tubig na dulot ng pagtagas ng langis.

Kaugnay nito, agad namahagi ang City Health Office sa mga residente ng dalawang barangay ng mga facemask, mga kinakailangang gamot, at nagbigay din ng edukasyon sa kalusugan. (Richard Mesa)