Dahil apektado ng oil price hike dulot ng tensyon sa Middle East… P5K ayuda sa PUV drivers ilalarga
- Published on March 13, 2026
- by @peoplesbalita
IPINAG -UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang paglalabas ng P5,000 fuel subsidy para sa mga driver ng pampublikong sasakyan na apektado ng oil price hike dulot ng tensyon sa Middle East.
Ito ang sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto matapos ang pakikipagpulong sa Metro Manila Mayors kahapon para masiguro ang mabilis na pamamahagi ng subsidiya.
Sinabi ni Recto na ang mga Mayors ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon at bilang ng mga jeepney at tricycle drivers sa kanilang mga lungsod kaya mahalaga ang kanilang pagtutulungan.
Sisimulan ang pamamahagi ng fuel subsidy sa Martes ng susunod na linggo. Una umanong makakatanggap ng subsidiya ay ang mga taga-Metro Manila. Kasunod nito ay agad na ipatutupad ang pamimigay sa iba pang rehiyon sa buong bansa base na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos.
Prayoridad na mabigyan nito ang mga tricycle drivers na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng lokal na pamahalaan at susundan naman ng mga jeepney operators at drivers, at ng iba pang transport sectors.
Ire-release ang ayuda sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), gamit ang kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program. (Daris Jose)