Dahil alam niyang magiging mabuti itong ama…SUE, game na game na magka-baby sila ni DOMINIC (ni: ROMMEL GONZALES)
- Published on June 4, 2026
- by Francis Paolo Torres
NATANONG si Sue Ramirez kung keri na ba niyang magka-baby sila ni Dominic Roque at agad niyang sinagot na,“why not? Sana.”
“Kung maibibigay, di ba? I think Dominic will be a very, very good father in the future, if he does want to have kids.”
Sabagay, nasa tamang edad na naman si Sue para maging ina, she will be turning thirty years old sa July 20, at iyon na nga, ready naman na raw siya.
“Matagal ko na siyang gustong mangyari for me. Kapag tinatanong ako, ano bang gusto ko pang mangyari? Sabi ko, parang nagawa ko na lahat. Ang dami ko nang nagawa.
“Pero gusto kong maging nanay.
“Gusto kong maging nanay na katulad ng nanay ko. Yun ang lagi kong sinasabi.”
Aminado si Sue dahil magti-30 na siya, may konting pressure na siyang nadarama.”Yun nga, inevitable yung ticking timebomb ng pagiging isang babae,” say niya.
“Kailangan na siya ng kilos at galaw soon kung gusto nating may mangyari at may mabuong bata.
“Pero right now, I am still busy working. Pero kung ibibigay sa akin, why not?”
Okay lang ba sa kanya na magkaanak kahit hindi pa kasal?
“Oo naman” ang pakli ni Sue.
Anyway, natanong nga si Sue tungkol dito dahil may pelikula sila ni Rico Blanco, ang “Project Baby” ng Regal Entertainment Inc. na ipapalabas na sa mga sinehan sa June 10.
Sa “Project Baby” ay siya si Sandy na gustong magka-baby sa isang sperm donor na walang commitment.
Okay din ba sa kanya ang ganitong sitwasyon?
“Dati, naisip ko iyon. Baka kahit walang partner, baka kaya ko?
“Pero ngayon, mas ano na ako…siguro depende sa partner mo at the moment.
“Makikita mo rin talaga iyon at saka mas mabubukas pa yung isip at puso mo sa possibility na I can still form a beautiful family.
“Pero if not, I think pipiliin mo pa rin yung tao na alam mo na kahit maghiwalay kayo o meron kayong hindi napagkakasunduan, kapag medyo may certainty ka din dun sa person that you want to do it with.”