• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dagdag na P85 sa sahod, balewala lang dahil sa VAT ayon sa mambabatas

KAKAININ lang ng VAT at taas-presyo ang ₱85 na dagdag-sahod ito ang reaksyon ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago kaugnay sa pagkaka-apruba ng ₱85 wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region.

Ayon sa mambabatas, sa kabila na matagal na dapat na magbigay ng dagdag sahod ay hindi ito supisyente para mapunan ang araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya.

Ang malala pa aniya ay ibibigay sa dalawang tranch ang naturang wage increase kung saan ang ₱60 ay magiging epektibo sa July 19, 2026 habang ang natitirang ₱25 ay ibibigay pa sa Enero 2027.

“Ni hindi man lang makakabili ng isang kilong karne o isda ang ₱85 na dagdag-sahod. Huhulugan pa ito sa loob ng anim na buwan, pero habambuhay namang huhulugan ng mga manggagawa ang kanilang mga utang dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ani Elago.

Sinabi pa niya na aabot sa ₱1,251 ang family living wage na kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro sa NCR.

Kahit aniya itaas sa ₱780 ang minimum wage sa rehiyon, nananatili itong malayo sa tunay na nakabubuhay na sahod.

“Napakaliit na nga ng ₱85 na dagdag-sahod, kakainin pa ito ng 12% VAT at iba pang mapaniil na buwis sa bawat produktong at serbisyong kailangang bilhin ng mga manggagawa. Sa huli, ang pinakamabigat na pasanin ay bumabagsak sa mga manggagawa at sa mga kababaihang siyang pangunahing nagbabadyet at nag-aalaga sa kanilang pamilya,” anang mambabatas.

Nanawagan naman ito sa sambayanang Pilipino na magkaisa at ipaglaban ang ₱1,200 National Minimum Wage Bill at ang Presyo Ibaba Bill, na naglalayong alisin ang 12% VAT sa kuryente, tubig, toll fees, produktong petrolyo, at iba pang batayang pangangailangan, gayundin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Idinagdag nito na ang kailangan ng manggagawang Pilipino ay ang sahod na tunay na nakabubuhay at mga polisiyang tunay na magtataguyod sa kanilang karapatan at kapakanan.

(VINA de GUZMAN)