• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Crackdown sa online gambling apela ng mambabatas 

UMAPELA si House Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na tuldukan ang online gambling sa bansa dahil na rin sa paglaganap nito na sumisira sa pamumuhay ng pamilyang Pilipino at komunidad.
Sa isang statement, nagpahayag din ng pagkaalarma ang mambabatas sa tumataas na bilang sa pamilyamng naapektuhan ng online gambling, isyu ng moralidad, mental health, livelihood, at kinabukasan ng mamamayan.
“Mariin kong tinututulan ang patuloy na paglaganap ng online gambling sa ating bansa. Sa unang tingin, ito’y tila simpleng aliwan lamang—isang virtual na laro ng suwerte. Ngunit sa likod ng makukulay na graphics at mabilisang kita, libo-libong pamilya ang unti-unting nasisira,” ani Khonghun.
Ikinabahala din nito ang kadalian na ma-access ang iba’t ibang gambling platforms na nauwi sa pagkakalulong, kahirapan sa pera at pagkakapabaya sa pamilya.
“Hindi ito simpleng isyu ng moralidad—ito’y isang isyu ng kapakanan, kabuhayan, at kinabukasan… Ang online gambling ay tahimik na salot—sumisira, sumasakal, at nagpapahina sa pundasyon ng ating lipunan,” anang mambabatas.
Hhinikayat pa ni Khonghun ang mga government officials at regulators na agad gumawa ng aksyon laban dito.
“Bilang lingkod-bayan, tungkulin nating pigilan ang anumang uri ng sistemang nagpapayaman sa iilan kapalit ng pagkasira ng marami. Hindi natin kayang ipikit ang ating mga mata habang dahan-dahang nilalamon ng bisyo ang ating mga kababayan,” dagdag ng mambabatas. (Vina de Guzman)