‘Class suit’ vs contractors ikakasa
- Published on August 25, 2025
- by @peoplesbalita
Pinag-aaralan ng Lawyers and Commuters Safety and Protection (LCSP) na magsampa ng “class suit” laban sa mga sangkot sa maanomalyang mga flood control projects sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Ito ayon sa LCSP ay upang mabigyan ng hustisya ang kahirapan, abala, at perwisyo sa mga motorista at pasahero ng mga pagbaha dahil sa umano’y malawakang korapsyon sa mga flood control projects na nagresulta sa bilyong pisong “ghosts projects”.
“Kapag may matinding baha ay damang-dama ng mga motorista at commuters ang epekto nito. Kapag baha lalong tumitindi ang trapik. Maraming sasakyan na inabutan ng baha sa kalsada, ito ay nasisira kaya’t gastos na katakut-takot sa mga motorista at kapag nawala ang baha ay sira-sira naman ang mga kalsada at ga-palangganang mga butas naman ang dadaanan kahit wala ng baha,” ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP.
Aniya, kalbaryo rin sa mga commuters ang sobrang hirap nang pagsakay at ma-stranded sa mga kalsada at maari pang magkasakit ng leptospirosis kapag minalas malas pa. ( Daris Jose)