• June 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, pinatalsik sa Kamara

TULUYAN nang pinatalsik sa roster ng kamara si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga nitong Martes ng gabi dahil sa mga social media posts nito laban sa gob­yerno at mga kilalang personalidad, kabilang ang mga kapwa nito mambabatas.

Sa botong 265 pabor, 14 tutol at walo ang nag-abstain, ganap na napatalsik bilang miyembro ng Kamara si Barzaga dahilan sa umano’y disorderly behavior nito at misconduct na hindi akma bilang mambabatas.

Ang pagpapatalsik kay Barzaga ay kasunod naman ng Committee Report No. 298 na isinulong ni 4Ps partylist Rep. Jonathan Clement Abalos, chairman ng House Committee on Ethics, kaugnay ng disorderly behavior at conduct unbecoming a member of the House of Representatives sa panibagong ethics complaint na inihain naman ni Iloilo Rep. Janette Garin.

Ayon kay Abalos, matapos ang masusing deliberasyon, natagpuan ng mga mambabatas na si Barzaga “committed disorderly behavior and conduct unbecoming of a Member of the House of Representatives,” batay sa panuntunan ng Kamara at Section 4 ng Republic Act No. 6713.

Ito ang ikatlong pagkakataon na pinatawan ng suspensyon si Barzaga, nauna na itong masuspinde ng 60 araw mula Disyembre 1, 2025 sa kasong disorderly behavior at misconduct.

Nakabalik si Barzaga noong Enero 30, 2026 pero muling nasuspinde ng karagdagang 60 araw noong Pebrero 4, 2026 dahil sa patuloy na pagpo-post ng mga malis­yoso at mapanirang mga pahayag na nakakasira na sa imahe ng Kamara. (Vina de Guzman)