• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Caloocan, Navotas, isinailalim na sa State of Calamity

ISINAILALIM na rin sa State of Calamity ang mga Lungsod ng Caloocan at Navotas dahil sa lawak ng pinsala at daming naapektuhang mga residente dulot ng mga pabaha na dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Habagat, bagyong Crising, Dante at Emong.

          Ayon kay Caloocan City Mayor Along Malapitan, ang deklarasyon para sa pagsasailalim sa state of calamity sa lungsod ay mula sa Sangguniang Panlungsod, batay na rin sa rekomendasyon ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).

Aniya, sa pamamagitan nito ay mas magiging mabilis ang mobilisasyon at pag-abot ng tulong ng pamahalaang lungsod sa mga kababayang apektado ng kalamidad pati na rin ang pagsasaayos ng mga imprastraktura sa siyudad.

Inanusyo din ni Mayor Along na lahat ng mga ospital at local health centers sa lungsod ay nanatiling bukas at accessible sa publiko para matugunan ang mga alalahaning medikal at kalusugan, lalo na sa mga sitwasyong pang-emergency.

          Samantala, opisyal na ring isinailalim sa state of calamity ang Navotas City sa pamamagitan ng City Resolution No. 2025-71 na ipinasa sa special session ng 13th City Council nitong ika-24 ng Hulyo, sa pangunguna ni Vice Mayor Tito Sanchez.

          Sa pamamagitan nito, mabibigyang karapatan ang Punong Lungsod John Reynald Tiangco na magamit nito ang Pondong Pang-kalamidad upang makapagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo at matinding pagbaha.

Patuloy pa rin ang libreng sakay ng pamahalaang lungsod, katuwang ang AFP NCR Command at fire volunteers at nagsagawa din ng rescue operation sa mga lugar na abot hanggang dibdidb ang baha na dala ng 2-meter high tide dahil sa nasirang river wall sa Celestino St., Brgy. San Jose.

Ayon sa Navotas Public Information Office, hanggang 9:30am ng July 25, 2025, may kabuuang 1,267 mga pamilya o 4,688 individuals ang namamalagi sa iba’t ibang evacuation centers sa buong lungsod kung saan patuloy ang pagbibigay sa kanila ng mga pangunahing pangangailangan, lalo na ang pagkain. (Richard Mesa)