Bureau of Immigration, bukas sa puna ukol sa serbisyong ahensya
- Published on October 28, 2025
- by @peoplesbalita
BUKAS ang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI)sa anumang puna o komento tungkol sa serbisyo ng ahensya.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado kasunod sa naging pahayag ng isang kolum na kamakailan lamang na nagbahagi ng karanasan ng dalawang pasahero sa isinagawang inspeksyon sa paliparan.
Ayon sa artikulo, naiintindihan ng mga manunulat ang pangangailangan ng mga beripikasyon dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng human trafficking sa bansa. Gayunman, nabanggit din nilang nakaramdam umano ng diskriminasyon ang mga biyahero dahil hindi sila “nakasuot ng mga damit na may tatak… tulad ng mga NEPO babies.”
Ipinaliwanag ni Viado na ang mga inspeksyon sa paliparan ay isinasagawa upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking, bilang bahagi ng pangako ng BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Dagdag pa niya, hindi batayan ng mga opisyal ang panlabas na anyo ng isang tao, kundi ang pagkakaroon ng mga hindi tugmang pahayag at dokumento.
Nagpasalamat si Viado sa may-akda ng kolum sa ibinahaging puna at sinabi niyang pinahahalagahan ng ahensya ang bawat komento at karanasang ibinabahagi ng publiko dahil ito ang tumutulong sa kanila upang mapabuti ang serbisyo.
Ibinahagi rin ni Viado na ang mga darating na pagsasanay para sa mga bagong frontline immigration officers ay magpapatuloy na magtuon sa soft skills development, partikular sa pagiging magalang, mahusay na pakikipagkomunikasyon, at tamang pakikitungo sa publiko.
Dagdag pa niya, napansin na ng ahensya ang magagandang resulta ng mga pagbabagong ito, dahil mas marami nang pasaherong nagpapahayag ng pasasalamat sa propesyonalismo at pasensya ng mga opisyal ng BI, kapwa sa personal at sa social media.
(Gene Adsuara)