BINI, pam-finale sa ‘Alagang Suki Fest 2025’: GARY, ‘di nagpatalo dahil super hataw pa rin kahit senior citizen na
- Published on August 4, 2025
- by @peoplesbalita
TULAD ng inaasahan nag-uumapaw ang sayawan, kantahan, at hiyawan sa ‘Alagang Suki Fest 2025’ noong Hulyo 31, 2025 sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, na kung saan ipinagdiwang ang ika-80 anibersaryo ng Unilab at Mercury Drug.Sinimulan ang concert ng internationally recognized Pinoy dance crew na Legit Status sa bigay-todong opening number na nagpataas ng energy ng mga nanonood.
Dagdag-aliw at saya rin ang hatid nina GB Labrador at James Caraan ng Comedy Manila sa pre-show segment bago nagsimula ang programa.
Malaking sorpresa ang mga celebrity brand ambassador na nakisali sa selebrasyon. Si Jolina Magdangal ay lumabas sa Neurogen-E segment, si Robi Domingo para sa Kremil-S, at si Belle Mariano ay tinilian nang husto sa
Biogesic segment, na kung saan sing and dance siya. At para nga siyang nag-front act sa concert.
Pagkatapos ni Belle ay isa-isa na ngang nagpasiklaban sina Gary Valenciano, Maki, Darren, Mayonnaise, at ang sikat na sikat na BINI.
Dinala ng Mayonnaise ang kanilang signature hits at nakaanim na kanta, habang sina Maki na naka-pitong kanta at Darren na naka-lima naman, ay nagpakilig sa mga manonood sa kanilang pagharana.
Ang segment ni Gary ang pinakamahaba, halos isang oras, kaya parang nag-mini-concert si Mr. Pure Energy na super hataw pa rin kahit senior citizen na.
Ilan sa kinanta niya ang hit songs na “Shout for Joy”, “Hataw Na,” at ang “Di Bale Na Lang.“
Nag-duet sila ni RJ dela Fuente sa newest Christian song na “Blessings.“
Hindi naman nagpatalo ang Nation’s Girl Group na BINI, ang pam-finale ng concert, at dumagundong nga ang Big Dome sa pagpasok ng pa lang nila, lalo na nang isa-isa ng nagpakilala.
Pinagkakaguluhan na, patunay kung bakit isa sila sa pinakasikat na OPM artists ngayon.
Magkakasunod nilang kinanta ang “Pantropiko,” “Shagidi,” at “Karera,” at nag-promote sila ng Enervon Z+ saka umalis na ng entablado, pinakamaikli ang segment nila.
Pero hindi natinag ang tao, walang umalis dahil alam nilang babalık pa ang BINI para kantahin ang signature hit song nilang “Salamin, Salamin.”
At sa pagtatapos ng awit ay bumalik na rin sa stage sina Gary V, Maki, Darren, at ang bandang Mayonnaise, kasama ang mga back-up dancers.
Ang ‘Alagang Suki Fest 2025’ ay handog ng Alagang Unilab Rewards at Mercury Drug Suki Card programs, na paraan ng pagpapasalamat sa kanilang mga tagasuporta.
Ang pagdiriwang na ito ay patunay din sa lakas ng musika, galaw, at alaala, habang sabay-sabay na kumanta, sumigaw, at nagdiwang ang mga suki ng 80 taon ng Alaga.
Sa pagtatapos ng gabi, nag-uumapaw ang pasasalamat at saya. Ang Alagang Suki Fest 2025 ay naging isang makasaysayang sandali na nagtipon ng mga henerasyon ng Pilipino sa isang pagdiriwang ng pagmamalasakit, komunidad, at OPM.
(ROHN ROMULO)