• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Betty Go Belmonte Research Grants Program, binuksan na ng Quezon City LGU

BINUKSAN ng Quezon City Government ang aplikasyon para sa unang batch ng Betty Go-Belmonte Research Grants Program, na naglalayong suportahan ang mga pananaliksik na makatutulong sa pagbuo ng mga polisiya at pagpapahusay ng mga serbisyo publiko sa lungsod.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, hinihikayat ng programa ang mga estudyante, iskolar, at academic professionals na magsagawa ng evidence-based research na magbibigay ng mga rekomendasyong makatutulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad at sa pagpapaunlad ng Quezon City.

Bukas ang programa sa mga undergraduate at postgraduate students na residente ng Quezon City o nag-aaral sa mga higher education institution sa lungsod, gayundin sa mga faculty members ng mga kolehiyo at unibersidad sa Que­zon City. Ang mga mapipiling panukala ay maaaring tumanggap ng research grant na hanggang P100,000, bukod pa sa hanggang P20,000 para sa mga kwalipikadong gastusin sa pananaliksik.

Maaaring isumite ang mga aplikasyon sa Betty Go-Belmonte Research Grants module ng QC e-Services Portal hanggang Agosto 31, 2026. Magsisimula naman ang pagsusuri sa mga research proposal sa Setyembre 1, 2026.