• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bawat Bayan Makikinabang Rice Distribution Program, isinagawa sa Valenzuela

MATAGUMPAY na naisagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, katuwang ang Pambansang Pamahalaan sa pamamagitan ng inisyatiba ng Bawat Bayan Makikinabang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ikalawang yugto ng programang pamamahagi ng bigas sa pagtiyak ng pangako nito na na walang maiiwan na Valenzuelano.

Umabot sa kabuuang 2,645 kwalipikadong benepisyaryo ang nakatanggap ng 10 kilo bawat isa mula sa natukoy na vulnerable sectors na nagpapatibay sa pangako ng gobyerno sa pagpapagaan ng pasanin dahil sa tumataas na gastusin sa bahay at pagtataguyod ng seguridad sa pagkain sa mga komunidad.

Inilunsad noong Pebrero 2026, ang programa sa pamamahagi ng bigas ay bahagi ng inisyatiba ng Bawat Bayan Makikinabang ni Pangulong Marcos Jr., na naglalayong magbigay ng direktang suporta sa mga pamilyang Pilipino sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng accessibility ng pagkain at pagpapaabot ng tulong sa mga karapat-dapat na sektor.

Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Mayor WES Gatchalian sa Pambansang Pamahalaan sa patuloy na pakikipagtulungan nito sa pagpapatupad ng mga programang direktang makikinabang sa mga lokal na komunidad.

Sa pamamagitan ng pagtutulungang pagsisikap na ito, kapwa ang Pambansang Pamahalaan at ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ay patuloy na tinitiyak na ang mahahalagang tulong ay makakarating sa mga higit na nangangailangan nito.

Ang pamamahagi ng bigas ay umaakma sa matagal nang inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, kabilang ang taunang programa ng Pasko sa Hulyo, na nagbibigay ng rice assistance sa halos 80,000 senior citizens sa lungsod. Binibigyang-diin ng mga hakbangin na ito ang patuloy na pangako ng lungsod sa pagsuporta sa mga mahihinang sektor at pagtiyak na ang mahahalagang tulong ay makakarating sa mga residenteng higit na nangangailangan nito.

“Kami ho, sa lokal, starting july [ay] mamimigay rin po kami ng bigas… [kung saan] ang mga lolo’t lola po natin, ang higit 80,000 natin na senior citizens ay makakatanggap naman ng maagang pamaskong handog galing sa lokal na pamahalaan,” ani Mayor WES.

Dagdag niya, nananatiling matatag ang pamahalaang lungsod sa pagsuporta sa mga hakbangin na nagtataguyod ng seguridad sa pagkain, katatagan ng komunidad, at inklusibong serbisyo publiko.

Dumalo rin sa pamamahagi sina San Juan City Mayor at League of Cities of the Philippines President Francis Zamora, Vice Mayor Marlon Alejandrino, 1st District Congressman Kenneth Gatchalian, 2nd District Congressman Gerald Galang at City Councilors. (Richard Mesa)