Batas na nagpapalawak sa kapasidad ng mga public hospitals para mas maraming maserbisyuhan na pasyente, itinutulak
- Published on September 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
ITINUTULAK ng House Committee on Metro Manila Development ang implementasyon ng mga batas na nagpapalawak sa kapasidad ng mga public hospitals para mas maraming maserbisyuhan na pasyente.
Ayon kay committee chairperson Caloocan City Rep. Dean Asistio, nagpulong ang mga kongresista na miyembro ng nasabing komite upang malaman kung bakit hindi pa naisasakatuparan ang mga batas
“Hanggang ngayon po, base sa nakalulungkot na karanasan ng marami nating mga kababayan, hindi pa po ito ganap na naisakatuparan. This is despite the fact that some of these laws have long been enacted during the 17th Congress. Halos mag-iisang dekada na po,” sinabi ni Asistio.
Ayon kay Asistio, nakakaalarma ang sitwasyon at ang karapatan ng bawat pasyente at ng kanilang pamilya na magkaroon ng maayos na programang pangkalusugan ay hindi maisakatuparan.
Sinabi ni Asistio na nais ng mga mambabatas na miyembro ng komite na matugunan ang problema at makatulong kung ano ang kakailanganin.
“Hindi po tayo narito para manisi ng sinuman. Hindi po tayo narito para magturuan. Ang tanging hangad po natin ay sama-sama nating hanapin ang problema para sama-sama rin nating ilatag ang mga agarang solusyon,” sabi ni Asistio.
(VINA de GUZMAN)