Batang lalaki na nahulog sa Tullahan river sa Malabon, bangkay na nang matagpuan
- Published on February 21, 2026
- by @peoplesbalita
BANGKAY na nang matagpuan ang pitong taong gulang na batang lalaki na aksidente umanong nahulog sa Tullahan River habang nakikipaglaro sa mga kaibigan, Huwebes ng hapon sa Malabon City.
Bandang alas-11 Biyernes ng tanghali nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) ang katawan ng Grade 2 na estudyanteng si alyas “RNG” matapos ang magdamag na paghahanap sa malaking bahagi ng Tullahan River sa Barangay Tinajeros.
Sa nakalap na ulat mula kay Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) chief P/Capt. Eduardo Antalan, Jr., habang nakikipaglaro ang biktima sa tatlong babaeng kapitbahay na may edad na 7, 8, at 9, at dalawang batang lalaking kapuwa edad-11, Huwebes ng hapon sa tabi ng Tullahan River sa St. James St. Brgy. Tinajeros nang aksidente umanong mahulog dakong alas-4:40.
Tinangka pang iligtas ng mga kapitbahay na sina Limuel Cabral at Jerry Valenzuela Jr, ang biktima nang ipabatid sa kanila ng mga kalaro ng bata ang pangyayari subalit, nabigo silang makita ang bata kaya humingi na sila ng tulong sa awtoridad.
Kaagad namang pinakilos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang MDRRMO at pulisya upang hanapin at sagipin ang bata, katuwang ang mga tauhan ng PCG at BFP, hanggang tuluyang makita ang katawan matapos ang magdamagang paghahanap. (Richard Mesa)