Anti-drug drive sa MM palakasin – NCRPO
- Published on October 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
IPINAG-UTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen Christopher Abrahano ang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Metro Manila kasunod ng pagpatay sa dalawang umano’y drug personalities sa Tondo, Manila.
Ayon kay Abrahano, naglabas na siya ng direktiba sa limang police districts sa Kalakhang Maynila upang palakasin ang intelligence gathering at tutukan ang mga drug personalities at distribution networks, lalo na sa mga lugar na mataas ang posibilidad ng aktibidad ng ilegal na droga.
Sa loob ng nakalipas na 24 oras, nakapagsagawa ang NCRPO ng 28 anti-drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 32 indibidwal at pagkakasamsam ng mahigit P750,000 halaga ng ilegal na droga.
Binigyang-diin ni Abrahano na dapat maging tuluy-tuloy, intelligence-driven at mahigpit na naaayon sa batas ang mga operasyon. Aniya, kailangang maagap ang pulisya sa pagtukoy at pagsugpo sa mga aktibidad ng ilegal na droga upang maiwasan ang karahasan, krimen at iba pang epekto nito sa mga komunidad.
Ang direktiba ay alinsunod sa utos ni PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng koordinado at target na operasyon. Hinikayat ni Abrahano ang mga police commander na maging proactive sa pagtugon sa mga ulat at tiyaking lahat ng operasyon ay isinasagawa alinsunod sa batas at itinakdang police procedures.