• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Aminadong mali ang ginawa pero may apela sa desisyon…ANJO, nabigla sa babayaran dahil ang taas pala ng value niya (ni: ROMMEL GONZALES) 

“ACCEPTED ko naman yung reaction. Nabigla lang ako sa babayaran ko,” ito ang sagot ni Anjo Yllana tungkol sa utos ng korte na pinagbabayad siya ng 3.5 million pesos bilang danyos sa petition for permanent injunction na isinampa laban sa kanya ng TVJ Productions, Inc. 

Dahil nga ito sa mga mapanirang pahayag niya laban sa “Eat Bulaga!” at sa mga host ng show.”Alam mo, habang tumatagal, naiisip ko, ang taas pala ng value ko,” pagbibiro pa niya.

“Kasi pagka ikaw ay ano, hahatulan ng ganun kalaking halaga, bini-base yan sa kung ano yung kakayahan mo.”E kayang-kaya ko pala to. Sabi ng korte,” Inamin ni Anjo na inapela na nila ang desisyon ni Presiding Judge Gloria Monica S. Lopez ng Branch 279 ng Regional Trial Court ng Mandaluyong City.

“It is under appeal. And siyempre it will take time. Right now, nag-appeal ako sa court.

“So siguro mga ano yun, baka dalawa o tatlong appeal pa yun pag ‘di makukuha sa isa,” lahad niya nang mapanayam siya sa MADDOX Jewelry Iconic Runway Fashion Show 2026 ng Maddox Jewelry owner na si Charo Cordial, na kung saan naimbita siya na manood.

Aminado naman si Anjo sa kanyang pagkakamali sa mga naging pahayag niya laban sa mga dating kasamahan sa noontime show.”Twice na I made a public apology. I said sorry,” sabi niya.

“I am vocal na mahal ko sila hanggang ngayon.

“And I admitted I had mistakes. May mga mali akong nagawa, and sabi ko nga, pinagsisisihan ko naman yun.

“The most important thing is, natuto ka doon sa pagkamali.

“Ang pinaka-wish ko lang naman ngayon hindi naman yung guilty ako or hindi, may babayaran ako, malaki or hindi.

“Mas wish ko yung sana humupa na kung meron man sama ng loob at galit sila.”

Ang lesson learned ni Anjo?

“Sabi ko nga, I learned from my mistakes. First time ko nagawa to sa forty-one years ko sa showbiz.

“Ang pinagsisisihan ko yung bagay na natutunan ko. Sabi ko nga, you learn from your mistakes.

“Pag hindi ka nag-learn sa mistakes mo, e, wala ka natutunan. E sarili ko lang yun, e.

“Mag-isa, mag-isa, kumbaga mag-isang laban ko to. Ang kausap ko lang sarili ko.”

Natanong din si Anjo kung ano ang mas iniinda niya; ang kaso laban sa kanya o ang nasirang friendship?

“Well, yung friendship kasi namin medyo dormant na for years,” tugon niya.

“Kasi nung nag-resign ako sa show, medyo hindi ko na sila nakasama’t nakakausap.

“Mas masakit, para sa akin ha, mas masakit yung na-realize ko na pag meron ka palang mga taong pinakisamahan, minahal, e yung nararamdaman mo na may galit sila sa yo.

“At yun ang masakit sa akin. Hindi naman yung guilty ka o may babayaran ka.”

Nagkaroon ba sila ng pag-uusap sa labas ng korte?”Wala. Pero kasi sa akin kasi, parang hindi ko na kailangang mag-mediate pa kasi alam ko naman yung fault ko, e,” pag-amin niya.

“So, bakit pa kukuha ng tao na mag-mediate? Meron ngang fault e, at I admit naman I made a mistake.

“Parang kasalanan ko na naging emotional din ako. Naglabas ako ng mga sama ng loob.

“Pero yun nga, dahil sabi ko nga first time lahat to sa akin, e, ang importante sa akin din ‘yung natutunan ko na, ‘Ay mali pala to.’

“Tsaka ano rin, e, yung mga anak ko rin, pinagalitan ako ng mga anak ko.”