• July 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Amang” nagmamahal at tapat na Naglilingkod….Ang Pamumuno ni Kap. Roel A. Esmaña sa Barangay 20

MULA nang magsimula ang kanyang serbisyo publiko bilang Barangay Kagawad noong 2001, ipinamalas na ni Hon. Ch. Roel A. Esmaña ang masidhing pagnanasa na higit pang makatulong sa kanyang mga kailaliman. Dahil sa kanyang tapat na hangarin, siya ay pinalad na maihalal bilang bagong “Ama” ng Barangay 20, Zone 2, Distrito 2, Lungsod ng Caloocan.

Seguridad at Maayos na Komunikasyon

Sa kanyang opisyal na pag-upo, agad na ipinatupad ni Kapitan Roel ang mga proyektong pangseguridad. Nagpalagay siya ng mga CCTV camera sa bawat kanto upang masubaybayan ang mga lumalabas at pumapasok sa barangay. Sinundan pa ito ng malawakang pagpapailaw sa buong paligid upang maitaboy ang mga masasamang loob at maiwasan ang anumang krimen. Bumili rin ang pamunuan ng Public Address System upang mas maging mabilis at malinaw ang pag-anunsyo ng mga mahahalagang paunawa sa mga mamamayan. Sa aspeto naman ng emergency at seguridad, mayroong handang Service Vehicle at 24/7 na Patrol na umiikot kasama ang lokal na kapulisan.

Kalinisan at Kalikasan (Clean & Green)

Aktibong itinataguyod ng barangay ang programang “HAPAG” ng DILG, kung saan pinagsasama-sama ang pagtatanim ng iba’t ibang gulay at prutas sa komunidad. Upang labanan ang pagbaha ngayong tag-ulan, regular din ang isinasagawang de-clogging o paglilinis ng mga estero at kanal upang masiguro ang mabilis na daloy ng tubig.

Edukasyon, Kalusugan, at Serbisyong Panlipunan

“Full support po ako sa iba’t ibang aktibidad ng ating mga Barangay Kagawad at Sangguniang Kabataan (SK),” ani Kapitan Roel. Natatanging prayoridad din ang mga Senior Citizen, kung saan laging nakahanda ang kanilang mga libreng gamot kasabay ng pagbubukas ng kanilang bagong Health Center. Para naman sa mga mag-aaral, namahagi ang barangay ng mga libreng uniporme at school supplies para sa pagbabalik-eskwela.

Malawakang Imprastraktura sa bawat Bloke

Upang maiwasan ang mga aksidente at mapaganda ang daanan, pinasemento ang mga pathwalk sa mga sumusunod na lugar:

Semento ng Pathwalk: Blk-3 Bughaw, Blk-5, Ortega Jalayjay, Tarima, Blk-7 Covered Court, Ota Justo, at Centeno.

Cementing at Tapping: Blk-10, Parking area, Orly Orkana, at Jay Korean.

Garden Space at Canopy: Blk-9 Jalandoni, Blk-8 Mananquil, Batibot, pati na rin ang paglalagay ng Canopy sa Libis Ortega at Blk-10.

Ayon kay Kapitan Roel, ang lahat ng mga proyektong ito ay para sa kaayusan, kaligtasan, at kabutihan ng bawat kabarangay.

“Nagpapasalamat po ako sa aking mga kabarangay sa kanilang walang-sawang pakikiisa. Gayundin sa aking mga katulong sa serbisyo—ang ating mga Barangay Kagawad. Higit sa lahat, labis po kaming nagpapasalamat sa ating mahal na Mayor Along Malapitan sa patuloy na suporta at tulong na ibinibigay niya sa ating barangay!” pagtatapos ng mabuting Ama ng Barangay 20. ( SONNY ASIGNACION)