Agarang reporma sa sektor ng enerhiya upang mapababa ang singil sa kuryente, isinusulong ng mambabatas
- Published on August 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
SA GITNA ng patuloy na pagtaas ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino, isinusulong ng isang mambabatas ang agarang reporma sa sektor ng enerhiya upang mapababa ang singil sa kuryente at wakasan ang mga hindi makatarungang bayarin sa konsyumer.
Sa pamamagitan ng House Bill No. 10306, layon ni Quezon City District V Rep. Patrick Michael “PM” Vargas na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at palakasin ang proteksyon ng publiko laban sa mga singil na hindi dapat ipinapasa sa mga mamamayan.
Ang panukala ay kaakibat ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na binigyang-diin sa kanyang State of the Nation Address ang pangangailangang pababain ang presyo ng kuryente at pagbutihin ang kahusayan ng sektor ng enerhiya.
Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring ipasa sa konsyumer ang mga non-technical losses tulad ng nakaw ng kuryente at iba pang pagkukulang sa sistema. Sa halip, tanging mga lehitimong pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution ang maaaring isama sa singil, at ito ay sasailalim pa sa mas mahigpit at makatarungang limitasyon.
Sa ilalim ng panukala, tanging mga lehitimong technical losses na lamang ang maaaring isama sa singil, at ito ay sasailalim pa sa mas mahigpit at makatarungang limitasyon.
Sa kasalukuyan, ang system loss charges ay bahagi ng buwanang bayarin sa kuryente, na nagpapahintulot sa distribution utilities na mabawi ang bahagi ng enerhiyang nawawala sa transmission at distribution.
Ngunit iginiit ni Vargas na hindi dapat pasanin ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente dahil sa kapabayaan o ilegal na gawain.
Kasama rin sa panukala ang pagbaba at muling pagsasaayos ng system loss cap upang masigurong ang mga pagtitipid at kahusayan sa operasyon ay direktang mararamdaman ng mga konsyumer sa kanilang bayarin sa kuryente.
Ayon kay Vargas, ang abot-kayang kuryente ay mahalaga hindi lamang sa bawat tahanan kundi pati sa maliliit na negosyo, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
Inaasahang tatalakayin ang House Bill No. 10306 sa kaukulang komite ng Kamara sa mga susunod na linggo. (VINA de GUZMAN)