• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

AGAP party-list Rep. Nicanor Briones, mariing itinanggi na naglalaro siya ng online sabong

MARIING iginiit ng isang mambabatas na hindi siya naglalaro ng online cockfighting games habang dumadalo sa ginagawang botohan para sa bagong Speaker ng Kamara nitong Lunes bago ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sinabi ni AGAP party-list Rep. Nicanor Briones na nais niyang sagutin at linawin ang lumabas at kumakalat na video .

Inihayag pa nito na malinis ang kanyang konsensiya ukol sa e-sabong dahil wala naman siyang online payment app sa kanyang phone.

“Hindi ako pumapasok sa sabungan, hindi ako nagsasabong. Against tayo sa online gaming kasi may mga apektado na nagtatrabaho sa livestock at poultry, yung mga nasa fowl services at security services na…against tayo dahil naaapektuhan ang trabaho,” pahayag nito sa DZMM interview.

Ayon sa mambabatas, nahihiya siya dahil sumikat ito dahil sa bagay na iyon.
Plano nito na maghain ng panukala na nagbabawal sa online gambling kabilang na ang e-sabong.

Sinabi ng mambabatas na ipinadala ng kanyang pamangkin ang naturang video sa pamamagitan ng messenger, na nagtatanong kung gusto nitong mag-sponsor ng laro.

Idinagdag ni Briones na pinatawad na niya ang uploader ng original video ngunit nagpahayag na “Nangyari na ang nangyari. Kung ano man ang kanyang motibo, pinatatawad ko na siya.”
(Vina de Guzman)