Walang basehan at walang kabuluhan ang paratang ni VP Sara na itinuturing siyang pangunahing kaaway ng bayan –Malakanyang
- Published on November 27, 2026
- by Francis Paolo Torres
ITINUTURING ng Malakanyang na “walang basehan” at “walang kabuluhan” ang pahayag ng kampo ni Bise Presidente Sara Duterte itinuturing umano siya ng administrasyong Marcos bilang “pangunahing kaaway ng bayan.”
Sa isang press conference sa Baguio City, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pag-aaksaya lamang ng oras ang pagsagot sa naturang alegasyon.
“Walang basehan, walang kuwenta, huwag nang pag-aksayahan ng oras,” diing pahayag ni Castro.
Sa isang panayam kamakailan sa media, inakusahan ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni VP Sara, ginagawa lahat ng administrasyong Marcos ang lahat upang pabagsakin ang Bise Presidente.
Binanggit niya ang umano’y mga dokumentadong banta sa seguridad laban kay Duterte at sa kanyang pamilya.
Samantala, tumugon din si Castro sa panawagan ni Duterte sa Korte Suprema (SC) na muling isaalang-alang ang desisyon nitong ibasura ang pinagsama-samang petisyon para sa writ of habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Winika ni Castro, dapat gamitin ng Bise Presidente ang mga naaangkop na legal na hakbang kung hindi siya sang-ayon sa naging desisyon ng pinakamataas na hukuman.
Nagsalita na po ang Supreme Court. Wala pong puwedeng magkuwestiyon sa pamamagitan lang ng pagsasalita sa media,” pahayag niya. ( DARIS JOSE)