• November 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PILIPINAS, ITINAMPOK ANG APIS-INTERPOL LINKAGE BILANG MODELO NG SEGURIDAD SA MGA HANGGANAN

IPINAGMALAKI ng Pilipinas ang Advance Passenger Information System (APIS) at integrasyon nito sa INTERPOL database bilang isa sa mga mahusay na pamamaraan sa pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan ng bansa.

Itinampok ito sa Global Working Group Meeting on API, PNR Data, and Passenger Information Units na ginanap noong Nobyembre 17–18 sa Abu Dhabi, na dinaluhan ng mahigit 300 opisyal at eksperto mula sa 40 bansa.

Inilahad nina Philippine APIS Operations Center (APOC) Chief Melvin Mabulac at Deputy Chief Djamina Diampuan ang mga tagumpay ng Pilipinas sa pagsasama ng APIS at INTERPOL database.

Mula nang ilunsad noong Marso 2025 na may dalawang airline na kalahok, lumawak na ang sistema sa 51 airline at sumasaklaw na sa halos 99 porsiyento ng mga operasyon ng flight sa bansa.

Gamit ang UN goTravel software at suporta ng pamahalaan ng Australia, higit na napahusay ng sistema ang pagsusuri sa mga pasahero. Tumaas ng 122 porsiyento ang mga natukoy na tugma sa INTERPOL database noong 2025 kumpara sa panahong wala pang APIS.

Lalo pang tumaas ng 238 porsiyento ang mga ito, mula 524 noong Enero hanggang Oktubre 2025 tungong 1,773 sa kaparehong panahon ngayong taon.

Pinuri naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony M. Viado ang APIS team at sinabing patunay ang tagumpay na ito na malaking tulong ang inobasyon at internasyonal na kooperasyon sa pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan sa pamamagitan ng mas makabagong pagsusuri at paggamit ng digital technology. (Gene Adsuara)