Ebidensiya, hirit ng Malakanyang na pagpapatunay na may thumbprint ang mga katutubong Aeta sa mga dokumento ng Pax Silica
- Published on November 24, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANAWAGAN ang Malakanyang nitong Linggo na beripikahin at tiyakin ang pagiging tunay ng mga sinasabing thumbprint o tatak-daliri ng mga miyembro ng komunidad ng Aeta na nakalagay sa mga dokumentong may kaugnayan sa inisyatibong Pax Silica na pinangungunahan ng Estados Unidos.
Binigyang diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi papayagan ng pamahalaan na may sinuman na malagay sa dehadong sitwasyon o mapapirma sa mga dokumentong hindi nila nauunawaan ang nilalaman.
“Sa anumang transaksyon, ang Pangulong Marcos Jr. ay hindi hahayaang may maagrabyado sa ating bansa o ang sinumang mga kababayan natin,” ayon kay Castro sa isang video statement, bilang tugon sa mga ulat na ilang miyembro ng komunidad ng Aeta ang umano’y naglagay ng kanilang mga thumbmark o tatak-daliri sa mga dokumentong may kaugnayan sa inisyatibong Pax Silica.
“Kailangan itong ma-authenticate. Hindi nararapat na pumirma ang isang tao kung hindi niya naiintindihan ang nilalaman nito,” aniya pa rin.
Sinabi ni Castro na sisiyasatin ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Ariel Nepomuceno ang pagiging tunay ng mga naiulat na dokumento.
Noong Abril, inanunsyo ng Estados Unidos na kabilang na ang Pilipinas sa Pax Silica, isang inisyatibong pinangungunahan ng US na naglalayong palakasin ang mga supply chain para sa mga semiconductor at rare earth elements o mga bihirang mineral na ginagamit sa iba’t ibang teknolohiya.
Saklaw ng iminungkahing Pax Silica hub ang 1,620 ektarya (4,000 acres) ng lupain sa New Clark City, Tarlac.
Nagpahayag ng pangamba ang mga miyembro ng komunidad ng Aeta sa posibleng pagkawala ng kanilang lupang ninuno. Nauna nang sinabi ng kanilang pinunong pantribo na nag-alok ang BCDA ng ₱30 kada metro kuwadrado para sa naturang lupain, ngunit tinanggihan ng lahat ng miyembro ng komunidad ang alok.
Sa unang bahagi ng linggong ito, nagdulot ng mga protesta ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas, kabilang ang pagtutol sa pagsali ng bansa sa inisyatibong Pax Silica. ( DARIS JOSE)