• November 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panawagan ng mambabatas…Mga lugar na matinding naapektuhan ng El Niño, isailalim sa state of calamity

NANAWAGAN si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima kay Pangulong Bongbong Marcos na Jr. na ideklarang nasa state of calamity ang mga lugar na matinding naapektuhan ng El Niño.

Sa House Resolution 1629, sinabi ni De Lima na kailangan ng maagang deklarasyon, base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at base sa Republic Act No. 10121 o “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, upang agad na maipatupad ang mga kinakailangang remedial measures at paglalaan ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Sinabi pa nito na ang deklarasyon ng State of Imminent Disaster sa mga lugar na tinatayang kakaharap sa matinding epekto ng El Niño ay makakatulong upang maagapan at makapagpatupad ng aksyon at preventive response upang maiwasan ang matinding epekto nito.

“There is an urgent need for coordinated national action to address the immediate humanitarian, agricultural, economic, and environmental consequences of El Niño, particularly in vulnerable communities and areas facing prolonged drought, water shortages, and threats to food security,” nakasaad sa resolusyon.

Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na ang nagaganap na El Niño ay nakaapekto ng tinatayang ₱9.99 bilyong agricultural damage at pagkalugi, nakaapekto sa 324,327 magsasaka at 323,419 hektarya ng agricultural land sa buong bansa, na may production losses na umaabot sa 288,424 metric tons, kabilang na ang mga lugar na pinangangambahang walang tiyansang makabawi.

Upang matugunan ang mga problema, inaatasan ng HR 1629 ang Department of Budget and Management (DBM), NDRRMC, at iba pang kaukulang government agencies na agad tukuyin at magpalabas ng pondo mula sa 2026 budget, kabilang ang NDRRM Fund at Quick Response Funds, upang mapondohan ang priority El Niño preparedness, mitigation, and response measures.

“Hindi dapat nag-aalangan at abutin nang siyam-siyam ang gobyerno bago kumilos at ibigay ang pondo para sa mga nangangailangan at inaasahan pang tamaan ng matinding El Niño. Sa mga serbisyong tunay na makapagpapagaan sa pasanin ng ating mga kababayan – lalo na sa panahon ng kalamidad – dapat mabilis naibibigay ang pondo, hindi sa pagpapalakas ng mga padrino at pagpapagawa ng mga palsipikadong proyekto,” giit ni De Lima. (VINA de GUZMAN)