• November 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mekaniko, tinutukan ng baril ang kostumer nang hindi magkasundo sa bayad

KALABOSO ang 49-anyos na mekaniko nang tutukan ng baril at pagbantaan ang kanyang kostumer makaraan ang pagtatalo hinggil sa bayad ng ginawang preno ng sasakyan sa Valenzuela City.

Mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si alyas “Boy” ng Brgy. Arkong Bato ng lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi umano nagkasundo ang suspek at 45-anyos na lalaking complainant hinggil sa P800 na bayad ng ipinagawang preno ng isang owner-type jeep sa Brgy. Arkong Bato kaya nauwi ang mga ito sa pagtatalo.

Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas umano ng baril ang suspek at itinutok sa biktima saka pinagbantaan na papatayin na dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 5 na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek alas-12:30 ng hating gabi sa nasabing barangay.

Nang hanapan ng mga kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad ng nakuha sa kanya na isang Smith & Wesson .22 caliber firearm na kargado ng isang bala ay walang naipakita ang suspek. 

(Richard Mesa)