• November 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Libo-libong Navotenos, sinaksihan ang pagpapa-ilaw sa higanteng Christmas tree sa Navotas

SINAKSIHAN ng libo-libong Navotenos ang opisyal na pagsisimula ng Christmas season sa pamamagitan ng taunang pagpapa-ilaw sa higanteng Christmas tree sa Centennial Park sa Navotas City, Biyernes ng gabi.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco, kasama ang kanilang pamilya, mga opisyal at mga empleyado ng lungsod ang makulay na pagpapa-ilaw ng Christmas tree na may taas na 40 feet na sinundan ng ribbon cutting ceremony para sa pagbubukas ng Christmas bazaar at amusement park.

Ayon kay Mayor Tiangco, hindi lamang para sa ikalulugod ng mga Navoteno ang binuksang bazaar at amusement park kundi upang makatulong na rin sa maliliit na negosyante na nabigyan ng mga food stalls na paglalakuan nila ng street foods, inumin, retail stores, at Christmas souvenir.

Akma ang paglalagay ng higanteng Christmas tree sa naturang parke dahil tanaw mula rito ang kagandahan ng Manila Bay, habang hitik naman sa kasiyahan ang mga bata sa mga inilagay na rides tulang ng carousel, Vikings, fun slide, at carnival games. 

Magtatagal ang bazaar at amusement park ng hanggang Enero 17, 2027 na sisimulan ang operasyon ng alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi. 

(Richard Mesa)