• November 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

127 MOTORISTA NASAKOTE NG LTO SA OPERASYON KONTRA DRUNK DRIVING

UMABOT na sa isandaan at dalawampu’t pitong motorista ang nahuling nagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak bunsod ng pinaigting na kampanya ng Land Transportation Office kontra drunk driving.

Ito ay ayon sa datos ng LTO sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Markus Lacanilao ngayong taon, kung saan lahat ng mga nahuli ay nagpositibo sa Alcohol Breath Analyzer test.

Sinisiguro ng ahensya na nasusunod ang tamang proseso sa ilalim ng Memorandum Circular No. MVL-2026-242 bago hulihin ang mga driver, kabilang ang pagsasagawa ng Field Sobriety Test at Alcohol Breath Analyzer test upang matiyak na may sapat na batayan sa pagpapatupad ng hakbang.

Ayon kay Asec. Lacanilao, layunin lamang ng ahensya na maging ligtas ang bawat motorista sa kalsada kaya araw-araw nilang ginagawa ang trabaho upang maipatupad ang batas.

Aniya, hindi magsasawa ang LTO na paalalahanan at panagutin ang mga lumalabag dahil kaligtasan ng publiko ang pangunahing layunin.

Tiniyak ng LTO na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas kontra drunk driving upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng kapahamakan at matiyak na ligtas na makararating sa paroroonan ang bawat motorista. (PAUL JOHN REYES)