6.3 KILO NG SHABU NASABAT SA NAIA; ROMANIAN NATIONAL ARESTADO
- Published on November 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASABAT ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang mahigit anim na kilo ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at inaresto ang isang Romanian national.
Isinagawa ang operasyon pasado alas sais ng umaga noong Nobyembre 16 sa Customs Secondary Inspection Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Pinangunahan ang operasyon ng NAIA-IADITG katuwang ang PDEA-NCR, Bureau of Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, NBI, Bureau of Immigration at Office for Transportation Security.
Kinilala ang suspek sa alyas na Pavel, 65-anyos na Romanian national at retiradong factory worker na dumating sa Pilipinas mula sa Vietnam.
Sa isinagawang inspeksyon sa bagahe ng suspek, narekober ang isang brown na bagahe na naglalaman ng tatlumpu’t anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 6,364 gramo ng puting kristal na hinihinalang shabu.
Tinatayang aabot sa mahigit 43 milyong piso ang halaga ng nasabat na ilegal na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang naarestong indibidwal at ang nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at laboratory examination.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Customs Modernization and Tariff Act.
(PAUL JOHN REYES)